MANILA, Philippines – Hindi lamang ang pork barrel scam na pinangunahan umano ni Janet Lim-Napoles ang iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman matapos dalawang dating kinatawan at isang kalihim ang kanilang kinasuhan.
Inireklamo ng Ombudsman si dating Nueva Ecija Representative Rodolfo Antonino, dating Department of Agriculture (DA) Secretary Arthur Yap ng Malversation of Public Funds at paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Dawit din sa kaso ang mga dating National Agribusiness Corporation (NABCOR) officials na sina Alan Javellana, Encarnita Cristina Munsod, Rhodora Mendoza at Maria Niñez Guanizo, gayun din sina Buhay Mo Mahal Ko Foundation, Inc. (BMMKFI) President Marilou Antonio at CC Barredo Publishing House General Manager Carmelita Barredo.
Lumabas sa imbestigasyon ng Ombudsman na hindi nagamit ng tama ni Antonino ang P15 milyon niyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2007 nang makipagsabwatan siya sa kay Yap, sa NABCOR, sa BMMKFI at sa CC Barredo.
Pinalabas ng kongresista na ginamit niya ang pera pambili ng 7,275 na Livelihood Technology Kits (Volumes 1-1V) para sa Gapan City at mga bayan ng San Isidro, General Tinio, Cabiao, Jaen, Peñaranda at San Leonardo sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon sa mga opisyal ng nasabing lungsod at bayan ang nagsabing wala silang natanggap na livelihood kits.
Samantala, inireklamo rin ng Ombudsman si dating Isabela Representative Anthony Miranda at siyam na iba pa ng Malversation of Public Funds at paglabag sa Section 3(e) at (h) ng RA No. 3019.
Kasama sa kaso ang mga opisyal ng Technology Resource Center (TRC) na sina Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Marivic Jover, Belina Concepcion, Francisco Figura, Maria Rosalinda Lacsamana, at Consuelo Lilian Reyes Espiritu, gayun din ang mga taga Aksyon Makamasa Foundation, Inc. (AMFI) na sina Domingo Mamauag at Edison Sabio.
May hiwalay pang kasong Grave Misconduct, Serious Dishonesty, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service sina Cunanan, Jover, Concepcion, Lacsamana at Espiritu.
Nag-ugat ang kaso nang malaman na inilagay ni Miranda ang kanyang P21 milyong PDAF sa non-government organization na siya mismo ang may-ari noong 2007.
Inilabas niya ang pondo para sa AMFI kung saan siya ang nakalistang incorporator, director at chairman base sa General Information Sheet na ipinasa sa Securities and Exchange Commission 2007 , kung saan ang TRC nagsilbing implementing agency.
Ginamit umano ang pondo para sa pagsasagawa ng agro-farming at livestock seminars, pamamahagi ng farming seeds livestock product at livelihood training materials.
Lumabas na walanag napatupad na proyekto ang AMFI matapos i-liquidate ng Commission on Audit ang pondo.