MANILA, Philippines - Mas marami ang mga lalakeng Pilipinong nagiging biktima ng human trafficking batay sa datos hinggil sa trafficking noong 2013, ayon sa isang report ng US State Department.
Ipinahiwatig din sa 2014 Trafficking in Persons Report ng State Department na nananatili ang Pilipinas sa Tier 2. Ibig sabihin, merong ginagawang mahalagang pagsisikap pero hindi pa rin ganap na nakakasunod sa minimum na pamantayan ng United States para masugpo ang trafficking.
Pinuri naman kahapon ng Malacañang ang pagsisikap ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) laban sa human trafficking na nakatulong para manatili ang Pilipinas sa Tier 2 status nito sa US State Department’s 2014 Trafficking in Persons Report.
Ang tier ay kunektado sa US aid. Sa Tier 3, itinitigil na ang ilang uri ng tulong sa isang bansa at maging mga cultural at educational funding.
Gayunman, sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa isang panayam sa radyo kahapon na marami pang dapat gawin para mapangalagaan ang mga Pilipino laban sa mga human trafficker.
Tiniyak pa ng Malacañang na pinapalakas ng gobyerno ang kampanya nito laban sa human trafficking.
Ayon kay Valte, nakasaad sa TIP Report na kailangan pang paigtingin ng bansa ang paglaban sa human trafficking lalo pa’t napaulat na mas maraming kalalakihan o batang lalaki ang nagiging biktima na rin ng ilegal na gawain.
“Of course, gusto po nating…mas paigtingin pa ang ating mga ginagawa para naman ho mapababa ‘yung numero ng mga kababaihan at mga bata, at kalalakihan din na nagiÂging biktima ng trafficking in persons,†pahayag ni Valte.
Sinabi ni Valte na ang paglaban sa human trafficking ay pinagtutulungan ng Inter-Agency Council Against Trafficking, sa pangunguna ng Department of Justice.
Ipinagmalaki rin ni Valte na noong nakaraang taon nagkaroon ng 21 convictions at tumaas na ito ngayon ay naging 31 convictions.
Sumasailalim din anya sa mga pagsasanay ang mga tauhan ng Philippine Overseas Employees Association at ng Department of Labor and Employment para makatulong sa pagsugpo sa illegal recruitment at sa human trafficking.