MANILA, Philippines - Hiniling ni Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe sa Kamara na aksyunan agad ang kanyang panukala para sa pagtatayo ng isang kulungan para lamang sa mga high profile detainees.
Paliwanag ni Batocabe, kailangan na ngayon ang hig profile detention facility dahil sa dami ng mga senador, kongresista at mga opisyal ng gobyerno na dawit at inaasahang makukulong dahil sa pork barrel scam.
Ang naturang bilangguan umano ay magiging bukas din naman sa mga makakasuhan pang non-bailable offense habang sila ay nililitis at haggang hindi pa nakakasuhan ng korte.
Magugunita na ang House Bill 1360 ay inihain nina Batocabe at Rep. Christopher Co noon pang nakaraan taon subalit hanggang ngayon ay hindi pa naisasalang sa pagdinig ng House Public Order and Safety Committee.
Giit pa ni Batocabe, sa ganitong paraan ay magiging institutionalize na din ang sistema hindi tulad ngayon na ang mga high profile na may kaso ay nakadetine sa kanilang bahay, rest house, ospital o sa kampo na hindi naman kulungan talaga.
Itinatakda naman ng nasabing panukala na ang high profile detention facility ay de rehas din subalit magiging kumpleto ito ng pasilidad tulad ng dormitoryo, ospital, diagnostic center o infirmary, recreation o multipurpose hall, training at lecture center, workshop area,visiting at mess hall.