Enrile at 2 anak ni Napoles, pinababasura ang kanilang kaso
MANILA, Philippines - Nagsampa ng kanilang mosyon sa Sandiganbayan sina Senador Juan Ponce Enrile at dalawang anak ni Janet Lim-Napoles na humihiling na ibasura ang kanilang kinakaharap na kaso kaugnay ng pork barrel scam.
Iginiit ni Enrile na hindi pasok sa plunder case ang mga argumento ng Ombudsman at special prosecutors laban sa kanya.
Hiniling din ni Enrile na payagan siya ng Sandiganbayan na makapagpiyansa sakaling lumabas na ang warrant of arrest laban sa kanya, dahil sa isyu sa kanyang kalusugan at edad, maliban pa sa tinawag niyang mahinang uri ng reklamo.
Binigyang diin naman nina James Christopher at Jo Christine Napoles na wala umano silang kaugnayan sa mga transaksyon hinggil sa pork barrel kaya hindi sila dapat isinama sa mga personalidad na kinasuhan ng Ombudsman kaugnay ng pork scam
Ang naturang mga mosyon ay naipadala na sa mga kinauukulang dibisyon ng Sandiganbayan na may hawak sa nasabing mga reklamo.
- Latest