Kontrol sa kapulisan pinababalik sa LGUs

MANILA, Philippines - Dapat ibalik na sa pa­mamahala ng Local Go­vernment Units (LGUs) ang kapulisan upang matugunan ang lumalalang insidente ng pagpatay hindi lamang sa mga ordinar­yong tao kundi maging sa mga prominenteng perso­nalidad sa Metro Manila at mga lalawigan.

Ayon kay Buhay party­list Lito Atienza, dapat na ibalik sa mga Alkalde ang pagkontrol sa kapulisan upang magkaroon ng full accountability ang mga ito sa sandaling magkaroon ng kapalpakan hindi tulad sa kalasakuyan na walang umaako ng responsiblidad sa lumalang sitwasyon ng peace and order sa bansa.

Bukod dito napapanahon na rin umano na mismong si Pangulong Aquino ang tumugon sa lumalalang problema dahil hindi naman naalarma sa sitwasyon sina Interior Secretary Mar Roxas at PNP Chief Alan Purisima.

Ang pahayag ng kongresista ay bunsod sa sunod-sunod na pamamaslang sa prominenteng negosyante sa Mindanao, sa isang Alkalde at sa dalawang mamamahayag sa Oriental Mindoro at Digos, Davao del Sur gayundin sa isang sikat na car racer.

Paliwanag pa ni Atienza, bagamat ang pag-aresto ay ang pinakamabisang paraan upang hindi na ito gawin pa ng iba subalit ang hindi pag-aresto at pagsasampa ng kaso ay nagiging dahilan naman upang ulit-ulitin ang ganitong krimen.

Show comments