MANILA, Philippines – Wala na sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong “Ester,†ngunit patuloy na uulanin pa rin ang ilang bahagi ng Luzon, ayon sa state weather bureau ngayong Huwebes.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nakalabas na kagabi si Ester ngunit magpapaulan sa bansa ang hanging habagat na hinatak ng bagyo nang pumasok sa bansa.
Makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan ang Batanes group of Islands, Calayan at Babuyan group of Islands, Ilocos Region, Cordillera at lalawigan ng Bataan, Zambales, at Pampanga.
"Residents in these areas and local disaster risk reduction management councils concerned are advised to take all the necessary precautionary measures against possible flashfloods and landslides," sabi ng PAGASA.
Samantala, pulu-pulong pag-ulan naman ang asahan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Si Ester ang ikalimang bagyo na pumasok sa bansa ngayong taon.
Nitong kamakalawa ay idineklara ng PAGASA ang pagpasok ng tag-ulan.