MANILA, Philippines - Dahil sa umano’y VIP treatment sa mga high-profile inmate ng New Bilibid Prison (NBP), ihihiwalay ng gusali ng Department of Justice ang mga naturang bilanggo.
Ayon kay Justice Undersecretary Francisco Baraan, kasabay ito ng kanilang ginagawang imbestigasyon sa pagpapagamot ng ilang preso sa mga pribadong ospital nang walang permiso ni Justice Secretary Leila de Lima.
Sinabi ni Baraan na tinatapos na ang Building 14 sa NBP kung saan ipapasok ang mga sinasabing VIP inmates.
“Ito’y para i-assort ‘yung mga VIP na tinatawag, ‘yung mga inmate na may suspicion kami kaya ihihiwalay po sila,†ani Baraan.
Kabilang sa mga tinututukang preso si Ricardo Camata na lider ng Sigue Sigue Sputnik gang na nagpa-confine sa Metropolitan Hospital sa Maynila at nabisita pa ng starlet noong Mayo 31 at dalawa pang babae nitong Hunyo 1.
Bukod sa kanya, iniimbestigahan na rin sina Herbert Colangco, lider ng isang bank robbery gang at Amin Buratong, isang drug lord.
Gayunman, lumalabas na pansamantala lang din ang pananatili ng “VIP inmates†sa Building 14 dahil desidido na ang DOJ na ilipat ang NBP sa Nueva Ecija.
Paliwanag ni Baraan, layon nitong mabigyan ng mas maayos na kulungan ang mga preso alinsunod sa international standards.
Aniya, magkakaroon ng modern facilty doon na talagang angkop sa international standards dahil masyado na umanong luma ang NBP.
Itatayo ang bagong NBP sa Fort Magsaysay. Ibinasura na anya ang naunang planong ilipat ang Bilibid sa Tanay.
Gagawin naman nang commercial area ang pinagtatayuan ng NBP sa Muntinlupa.