MANILA, Philippines - Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang muling paghirit ng kampo ng actor na si Zoren Legaspi na mabigyan ng dagdag na panahon para sa pagsusumite ng counter-affidavit kaugnay sa kinakaharap na kasong tax evasion.
Sa dalawang pahinang mosyon, hiniling ng abugado ni Legaspi na si Atty. Ricardo Ribo na payagan silang magsumite ng kontra salaysay hanggang Hunyo 20, 2014, sa kabila ng itinakdang deadline na dapat ay sa Hunyo 6, 2014.
Matatandaang sa preliminary investigation noong nakalipas na Mayo 28, itinakda ni State Prosecutor Stewart Mariano ang deadline matapos hindi rin magsumite ng paliwanag o kontra salaysay ang actor.
Pero sa mosyon, tinukoy ni Ribo na bukod sa hindi tugma sa kanyang iskedyul ang Hunyo 6, kakailaÂnganin pa nila ng dagdag na panahon para kumuha ng documentary evidence na gagamiting batayan sa pagbalangkas ng counter-affidavit.
Nauna nang sinampahan ng BIR si Legaspi ng P4.45 million tax evasion case dahil hindi umano niya idineklara nang tama ang lahat ng kanyang kinita noong taong 2010 at 2012.