Epidemya sa ‘Yolanda’ survivors, ikinabahala

MANILA, Philippines - Ikinabahala ng mga kongresista ang posibleng pagkakaroon ng epidemya o pagkalat ng ibat-ibang sakit sa mga Yolanda survivors kapag hindi kaagad nailipat sa permanenteng tirahan ang mga ito.

Sinabi ni Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe, lubhang nakakabahala na pitong buwan matapos ang naturang bagyo ay wala pa rin permanenteng tirahan ang mga residente na naapektuhan ng super typhoon Yolanda lalo na ngayong papalapit na naman ang tag-ulan.

Kapag sumapit na umano ang tag-ulan ay siguradong kakalat na sa mga evacuation sites ang ibat-ibang uri ng sakit dahil sa nagsisiksikan ang mga ito sa masikip na lugar.

Umapela si Batocabe sa gobyerno na bilisan ang rehabilitation project para agad na mailipat ang mga pamilyang natitira pa sa tent city at huwag na hintayin pa ang paglaganap ng sakit sa mga ito.

Iminungkahi naman ni  Tarlac Rep. Noel Villanueva na dapat maging prayoridad na trabahador sa rehabilitation program ang mga biktima ng bagyong Yolanda dahil ito na rin ang magsisilbi nilang hanapbuhay.

Hindi naman mapigilan mairita nina Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, Kabataan Rep. Terry Ridon, Antonio Tinio at House Deputy Majority Leader Sherwin Tugna ng Cibac Partylist sa  administrasyong Aquino lalo na kay Social Welfare Secretary Dinky Soliman dahil sa kawalan ng kakayahan na mailagay sa permanenteng tahanan ang mga Yolanda survivors pitong buwan matapos ang kalamidad sa kabila ng bilyong pisong donasyon mula sa ibang bansa.

 

Show comments