MANILA, Philippines - Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang buong suporta nito sa kakailanganing security at police escort kaugnay ng 2015 Asia Pacific Economic Conference (APEC) Leaders Summit, na ang unang pagpupulong ay gagawin sa Legazpi City, Albay sa Disyembre 2014.
Ihu-host ng Albay ang pito hanggang 11 pagpupulong ng APEC, kasama ang pasimulang Informal Senior Ministerial Meeting, ang pangalawa o pangatlong pinakamalaking pagpupulong ng buong Summit. Ito ay gaganapin sa Disyembre 4-5 sa luxury island hideaway Misibis Bay Resort sa bayan ng Bacacay.
Ang APEC Leaders Summit ay tinatampukan ng sunod-sunod na kumperensiya ng mga matataas na opisyal ng 21 bansang kabilang sa APEC. Ang aktuwal na Leaders Summit ay gaganapin sa Nobyembre 2015 na dadaluhan naman ng mga Pangulo o Prime Minister ng mga kasaping bansa.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, tiniyak sa kanya ni PNP Director General Alan L. Purisima ang buong police security support para sa mga kumperensiya ng APEC at inatasan nito ang Albay PNP na isumite kaagad sa kanya ang lahat ng mga kakailanganin, kasama ang mga patrol cars at motorsiklong pang-escort.
“Ipinaalam ko kay Director-General Purisima na kakailanganin ang mga patrol cars, motorcycles at iba pa para sa pagpupulong ng APEC dito dahil kulang at luma na ang mga kagamitan ng Albay PNP na nabili bago pa ako naging gubernador noong 2007,†ayon kay Salceda.
Inatasan na ni Purisima si PNP Bicol regional director Chief Supt. Victor P. Deona na makipag-ugnayan sa Albay provincial government tungkol sa lahat ng suporta ng PNP para sa APEC.