MANILA, Philippines - Inilunsad kahapon ng militanteng grupong Akbayan-Youth ang ‘Zero-tambay campaign’ na ang layon ay ibalik sa mga eskuwelahan ang mga kabataang hindi nakapag-aaral o ang tinatawag na Out-of-School Youths (OSY).
Ayon sa grupo, layon ng ‘Zero-tambay campaign’, na maibalik sa mga eskuwelahan ang milyun-milyong kabataan na hindi nakapag-aaral.
Bahagi umano ito ng Abot-Alam program, nationwide government service na sinimulan noong March 2014 upang matulungan ang 4.2 milyong Pinoy OSY at Community-Based Youth (CBY) na nagkakaedad nang mula 15 hanggang 30.
Layunin din nito na matukoy ang mga OSY at CBY sa lebel ng barangay at ang programa na binibigay ng pamahalaan.
Naniniwala ang pinuno ng National Youth Commission na si Gio Tingson na ang pagtaas ng OSY ay dahil sa mataas na gastos sa pagpapaaral tulad ng patuloy na pagtaas ng matrikula sa mga paaralan.
Kinakailangan na aniyang mabigyan o maisailalim sa formal education ang mga OSY gaya ng CHED, TESDA, DOLE, at mga pribadong institusyon upang magkaroon sila ng maayos na trabaho o pagkakakitaan.
Ang ‘Zero-tambay campaign’ ay pakikipagtuluÂngan ng Student Council Alliance of the Philippines (SCAP), National Youth Commission (NYC), National Anti-Poverty Commission (NAPC) at Department of Education (DepEd).