Angat Dam bumagsak sa below critical level

Nakakaranas na ng kakapusan sa suplay ng tubig ang mga residente sa Road 10 sa Tondo, Maynila kaya pila balde na sa pag-iigib ang mga ito bilang pagha­handa matapos bumagsak sa mas mababa pa ang water level sa Angat Dam na pinagkukunan ng tubig sa Metro Manila. (Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Bumaba na sa below critical level ang tubig sa Angat Dam kahapon. 

Ayon sa Manila Water Company, water concessionaire na nagsusuplay ng tubig sa east zone ng Metro Manila, alas-8 ng umaga kahapon ay umabot sa 178.53 meters ang water level sa Angat na mas mababa pa sa critical level na 180 meters.

Umaabot naman sa 77.96 meters ang water level sa La Mesa dam, samantalang sa Ipo dam ay umabot sa 99.45 meters.

Ang tubig sa Angat Dam ay napupunta sa Ipo Dam hanggang sa La Mesa Dam sa Quezon City na nagbibigay ng 97 percent ng tubig sa Metro Manila habang ang ibang tubig mula sa Angat ay dumadaloy sa Bustos Dam sa Bulacan gayundin sa mga irriga­ted farmlands sa Bulacan at Pampanga.

Noong 2010 umabot ang pinaka mababang water level ng Angat dam sa 157.56 meters.

Bunga ng pagbaba ng water level sa mga pa­ngunahing dam, inanunsiyo naman ng Maynilad, water concessionaires na taga suplay ng tubig sa west zone ng Metro Manila na asahan na ang pagkawala ng suplay ng tubig sa mga lugar na sinusuplayan nito. 

Pinapayuhan din ng Maynilad ang publiko na magtipid sa paggamit ng tubig dahil sa posibleng pagbaba pa ng antas ng tubig na magmumula sa mga major dams partikular na sa Angat dam dulot ng pahayag ng PAGASA sa napipintong pagpasok ng El Niño phenomenon o panahon ng tagtuyot sa buwan ng Hunyo.

Show comments