MANILA, Philippines — Aabot sa P130.9 milyong halaga ng ari-arian ng napatalsik na Chief Justice Renato Corona at ng kanyang asawa ang pinatawan ng freeze order ng Sandiganbayan.
Si Sandiganbayan second division chairperson Teresita Diaz-Baldos ang naglabas ng writ of preliminary attachment laban kay Corona at sa asawang si Cristina.
"I hereby command you to attach the estate, real and personal, of the aforesaid respondents, not exempt from execution, that may be found or located in your jurisdiction or anywhere in the Philippines," nakasaad sa kautusan.
Nag-ugat ang desisyon mula sa forfeiture case na inihain ng Office of the Ombudsman laban kay Corona noong Marso 27 dahil sa pagkakaroon ng dating chief justice ng “unlawfully acquired†properties and wealth habang nakaupo siya sa puwesto.
Nakasaad sa kautusan na maaaring magbayad ng kaparehong halaga ang mag-asawa upang hindi tuluyang ma-freeze ang kanilang mga ari-arian.
Napatalsik sa puwesto si Corona noong 2012 dahil sa hindi paglalagay ng tamang detalye ng kanyang mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.
Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na may P130 milyong halaga ng ari-arian si Corona na hindi maipaliwanag.
Nitong nakaraang buwan ay naglabas ang Sandiganbayan ng hold departure order laban kay Corona upang hindi makalabas ng bansa.