'Pinas inisnab ang utos ng Tsina na palayain ang mga mangingisda

Nasakote ang 11 mangingisdang Tsino sa Half Moon shoal o mas kilala sa tawag na Hasa-Hasa shoal matapos ilegal na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas. Twitter/PNP Public Information Office

MANILA, Philippines  —  Binalewala ng Pilipinas ang utos ng Tsina na palayain ang 11 mangingisdang Tsino na nadakip matapos ilegal na pumasok sa bansa at manghuli ng mga endangered na sea turtle.

Sinabi ni Philippine National Police Chief Alan Purisima na kailangan pang imbestigahan ang mga mangingisda na pumasok sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea.

Nasa kustodiya ng PNP ang mga mangingisda matapos masakote nitong kamakalawa sa Half Moon shoal o mas kilala sa tawag na Hasa-Hasa shoal.

Nakumpiska sa barko ng mga mangingisda ang 350 green sea turtle na nauubos na ang lahi.

Samantala, dinepensahan ng Malacañang ang naging hakbang ng mga awtoridad at sinabing ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho.

"The action taken by the Philippine National Police in apprehending a foreign fishing vessel and a local fishing boat is in accordance with its duty to enforce environmental protection and wildlife conservation laws while upholding Philippine sovereign rights over our Exclusive Economic Zone," wika ni Presidential Communication Operations Office head Herminio Coloma Jr.

Bukod sa mga Tsino, may isang barko rin ng mga Pilipino ang nahulihan ng mga sea turtle at nahaharap sa parehong kasong isasampa sa mga dayuhan.

Show comments