MANILA, Philippines – Umakyat na sa 31 katao ang nasawi, habang 123 ang sugatan sa magkakaibang aksidente nitong Semana Santa, ayon sa state disaster response agency ngayong Lunes.
Base sa pinakabagong situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nakapagtala sila ng 50 magkakaibang insidente mula sa Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V, VIII, X, XI, National Capital Region at Caraga Administrative Region.
Umabot sa 19 na aksidente sa kalsada ang naitala ng NDRRMC, 16 ang pagkalunod, pitong sunog, pamamaril at pagkalason.
Kaugnay na balita: 29 patay nitong Semana Santa - NDRRMC
Pumalo naman sa 16 ang namatay sa pagkalunod sa buong bansa, habang 13 naman ang dahil sa aksidente sa kalsada.
Karamihan ng mga sugatan ay dahil sa vehicular accident kung saan kabilang ang anim na buwan gulang na bata na si Aaron Paul Moreno ng Sitio Surip, Brgy. Centro Toma, Bani, Pangasinan sa mga biktima.