12 katao patay sa Semana Santa

MANILA, Philippines - Umaabot sa 12 katao ang nasawi habang 96 pa ang nasugatan sa trahedyang dala ng magkakahiwalay na banggaan ng mga sasakyan nitong Semana Santa. 

Sa pinagsamang ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at Public Commuters Motorist Alliance (PCMA) karamihan sa mga nasangkot sa banggaan ay motorsiklo, bus, kotse at mga truck.

Kabilang sa mga nasawi ay tatlo sa Region 1, tatlo sa Region IV A, lima sa Libmanan, Camarines Sur at ang iba pa ay mula naman sa Gingoog City, Misamis Oriental.

Isa sa pinakamalagim na insidente ay ang naganap na aksidenteng pagbangga ng Bragais Bus Liner sa nakaparadang truck sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Libmanan, Camarines Sur noong Huwebes Santo na kumitil ng limang buhay habang marami pa ang naitalang sugatan.

Samantala kabilang pa sa mga nasawi ay sina Jason Galimba, 16, at Dexter Chris Morales, 14, namatay sa banggaan ng Hyundai van at Honda motorcycle sa Brgy. Dan-Ar, Santiago, Ilocos Sur dakong 11:53 ng gabi noong Miyerkules Santo habang lima naman ang sugatan.

Nasawi rin ang dalawang binata na sina Jomari Dimaano,18, at Czedrique Aquino, 19, habang sugatan si Lydel Maralit sa Sto. Cristo, Sariaya, Quezon noong Miyerkules.

Sa Bani, Pangasinan patay si Remedios Raymundo habang 54 pa ang nasugatan matapos sumalpok ang Isuzu truck sa pakurbadang highway sa Brgy. Centro Toma ng lalawigan.

Ang iba pang insidente ay naitala naman sa iba pang mga nabanggit na lugar.

Patuloy naman ang paalala ng mga opisyal sa mga motorista na gawin ang kaukulang pag-iingat sa pagmamaneho at sundin ang batas trapiko.

 

Show comments