MANILA, Philippines - Sa patuloy na paggalaw ng bagyong "Domeng," nagbabala ang state weather bureau ngayong Lunes na maaaring daanan ang mga lugar na binayo ni "Yolanda."
Huling namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyo sa 880 kilometro silangan ng Davao city kaninang alas-4 ng umaga.
Taglay ng pang-apat na bagyo ngayong taon ang lakas na 65 kilometers per hour at bugsong aabot sa 80 kph.
Sinabi ng PAGASA na wala pang direktang epekto ang bagyo ngayong araw ngunit bukas ay maaaring tamaan ang Eastern Visayas o Eastern Mindanao.
Tinatayang tatama sa kalupaan si Domeng sa probinsiya ng Surigao o sa katimugang bahagi ng Eastern Visayas sa kamakalawa o sa Huwebes ng umaga.
Sinabi ni weather forecaster Fernando Cada na hindi na lalakas pa ang bagyo dahil na rin sa panahon ng tag-init.
"Hindi naman po ganoon kalakas ang bagyo kapag ganitong dry season or summer months," wika niya sa isang panayam sa telebisyon.
Gumagalaw sa bilis na 15 kph si Domeng na pa-kanluran hilaga-kanluran at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility sa Biyernes o Sabado.