Pagbibisikleta isinulong sa Senado

MANILA, Philippines - Isinulong kahapon ni Senate President Franklin Drilon ang paggamit ng bisikleta upang mabawasan ang air pollution lalo na sa Metro Manila.

Hinikayat ni Drilon ang local government units (LGUs) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na gawing “conducive” at ligtas para sa mga nagbibisikleta ang lansangan.

Naniniwala si Drilon na malaki ang maitutulong sa pagbawas ng air pollution kung darami ang gagamit ng bisikleta kaysa sa mga de-motor na sasakyan.

Nagka-interes si Drilon na isulong ang pagbibisikleta matapos dumalo sa 1st Iloilo Bike Festival na isinusulong ng “Share the Road” movement sa Iloilo City kamakailan.

Ayon kay Drilon isa sa pangunahing dahilan ng air pollution ang mga motorized vehicles at mababawasan ang polusyon sa hangin kung mababawasan ang mga sasakyan sa lansangan.

Sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources, 80% ng pollution load ay dahil sa “mobile sources or vehicles,” kaya dapat ng tumulong ang publiko para mabawasan ang problema.

Kung masisiguro aniyang ligtas at maayos ang mga lansangan ay tiyak na mas dadami ang gagamit ng bisikleta lalo pa’t mas matipid ito at halos walang gastos kumpara sa mga de-­motor na sasakyan.

 

Show comments