Sayyaf na nangidnap sa Sabah tukoy na
MANILA, Philippines - Tinukoy na kahapon ng Armed Forces of the Philippines ang grupo ng mga bandidong Abu Sayyaf na nasa likod ng pagdukot kamakalawa sa turistang Chinese at Pinay staff sa isang diving resort sa Semporna District ng Sabah, Malaysia.
Ayon kay AFP-Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala II, ang grupo ni Murphy Ambang Ladia alyas Haji Gulam ng Pandami Island Sulu ang nasa likod ng pagkidnap kina Gao Huayuan, 29, ng Shanghai, China at Pinay na si Marcelita Dayawan, 40, matapos lusubin ng pitong armadong lalaki ang Singamata Reef Resort nitong Huwebes.
Ayon sa AFP, si Ladia ay dating lider ng Moro National Liberation Front (MNLF) na nag-ooperate sa Tawi-Tawi sa ilalim ni Abu Sayyaf sub-leader Binang Sahirol. Ang nasabing grupo ang sangkot din umano sa pagdukot sa 20 dayuhan sa Sipadan, Malaysia noong Abril 23, 2000 at dinala sa Sulu.
Samantala, inutos na ni AFP-Western Mindanao Command, Lt. Gen. Rustico Guerrero ang paggalugad sa mga isla ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi na posibleng pinagdalhan sa mga bihag.
Kasalukuyan na ring nagsasagawa ng ‘blocking operations’ ang Philippine Navy at nagsasagawa ng pag-iinspeksyon sa mga sasakyang pandagat na nagagawi sa lugar sa pag-asang matatagpuan ang mga bihag.
- Latest