Andrea Rosal sa Camp Aguinaldo manganganak

MANILA, Philippines - Ililipat ng detention facility mula sa National Bureau of Investigation (NBI) patungong Camp Aguinaldo sa Quezon City ang nadakip na si Andrea Rosal, ang anak ng yumaong si Gregorio “Ka Roger” Rosal, na dating tagapagsalita ng New People’s Army (NPA).

Dahil ito ang kahilingan ng kampo ni Andrea na maari na itong manganak anumang oras kaya’t sa halip na ospital ay sa nasabing kampo na lamang ilipat.

Sinabi pa ng source mula sa NBI  na tinututukan naman umano ng dalawang doctor ang kondisyon ni Andrea, bagamat wala pang senyales ng pananakit ng tiyan kahit inaasahang maari na itong manganak.

Si Andrea, na ngayon diumano ay siya nang tagapagsalita ng Southern Tagalog Region, kapalit ng ama, ay nadakip nitong nakalipas na Marso 27, sa Caloocan City sa bisa ng warrant  of arrest sa mga kasong murder, frustrated murder at frustrated homicide.

Simula nang mapiit sa NBI, hindi umano pinapa­yagan ang sinumang dalaw na makausap ito.

Sa ngayon, may iniimbestigahan umano ang NBI na mga indibidwal, kabilang ang mga kilalang personalidad mula sa media, mga opisyal ng  Philippine National Police at 3 NBI agents, na nakita sa contact book ng cellphone ni Andrea.

 

Show comments