Documents fee sa pag-aplay ng trabaho ng mga new graduates pinatitigil ni Villar
MANILA, Philippines - Isinulong ni Las Piñas Rep. Mark A. Villar ang House Bill No. 3196 o ang ‘Fresh Graduates Pre-Employment Assistance Act of 2013’ upang tuluyang mahinto na ang pagsingil sa mga fresh graduates na nag-aapply ng trabaho sa kanilang mga dokumento.
Ang panukala ni Villar ay naglalayong tulungan ang mga bagong graduate sa pamamagitan ng pag-alis ng mga government fees sa mga dokumentong may kinalaman sa pag-aapply sa trabaho.
“Kahit man lang sa maliit na paraan na ito ay makatulong tayo sa ating mga fresh graduates na marami sa kanila ay mahihirap. Kung libre na ang pag-apply, mas marami silang mga trabahong maa-aplayan dahil hindi sila nag-aalala sa anumang bayad,†ani Villar.
Isasailalim sa panukala ang mga ahensya ng gobyerno kasama na ang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) at ang Local Government Units (LGUs).
“Kailangan lamang isumite ng aplikante ang kopya ng kanyang diploma, certificate o sulat mula sa academic, vocational o technical na institusyon kung saan siya nagtapos para ma-avail ang waiver sa mga bayad sa dokumento,†dagdag ni Villar.
Sinumang mahuli na namemeke ng mga graduation documents ay mapapatawan ng parusa sa ilalim ng Article 172 (Falsification and Use of Falsified Documents) ng Revised Penal Code.
Ang mga maililibre lang na babayaran ay iyung konektado sa pagbibigay ng lisensya, identification, clearance, certificate at iba pang dokumento na kinakailangan sa trabaho. Ang aplikante ay kailangang graduate pa lang sa loob ng isang taon.
Hindi covered ng panukala ang mga bayad para sa pagkuha ng professional licensure examination mula sa Professional Regulation Commission o ang pagkakaloob ng Philippine passport ng Department of Foreign Affairs.
- Latest