MANILA, Philippines – Matapos hindi makapagtapos sa Philippine Military Academy si Aldrin Jeff Cudia, pinayuhan siya ni Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon na huwag nang bumalik pa.
Sinabi ni Biazon, na dating hepe ng Armed Forces of the Philippines, na ayaw niyang mabaon ng peer pressure si Cudia kapag ipinagpatuloy pa ang pagpasok sa military.
Noong 1950 ay may dalawang kagayang kaso si Cudia na lumabag sa Honor Code ngunit nakapagtapos pa, ayon kay Biazon, pero matapos ang ilang taon ay umalis din sa serbisyo dahil sa peer pressure.
"I would agree with him to get his diploma so that he can start anew but I would advise that he should not anymore stay in the service [and he should] complete his resignation kasi he will be a leper out there, 'yon ang peer pressure na sinasabi ko," wika ni Biazon sa isang pulong balitaan.
Magtatapos sana bilang salutatorian si Cudia ngunit sinipa ng PMA dahil sa paglabag sa Honor Code nang magsinungaling kung bakit na-late ng dalawang minuto sa kanyang klase.
Nitong nakaraang linggo ay sinabi na rin naman ng pamilya ni Cudia na hindi na babalik ang cadete sa PMA dahil sa takot na mapag-initan.
"Hindi po sa linalahat ko sila, pero may nagsabi na po sa kanila na humanda siya (Cudia) kapag na-comission siya, pagpapasapasahan namin siya," wika ng kapatid ni Cudia na si Avee sa isang panayam sa telebisyon.