MANILA, Philippines - Inirekomenda ng Commission on Human Rights (CHR) na ideklarang ‘not guilty’ ng Honor Committee ng Philippine Military Academy (PMA) si Cadet Aldrin Jeff P. Cudia, ibalik ang kaniyang mga karapatan at payagan siyang makasali sa graduation na gaganapin bukas.
Ayon sa CHR, nalabag ang right to due process ni Cudia nang hindi idaan sa written processes ang naging resulta ng botohan na nagdeklarang ‘guilty’ ito.
Nagsagawa ng fact-finding investigation ang CHR nitong Marso 7, 11 at 12. Lumabas na 8 ang bumoto ng guilty at isa ang not guilty. Matapos inanunsiyo ay ipinatawag sa Chamber ang voting members at dahil na-pressure umano ang isa sa kanila kaya pinalitan ang kaniyang boto ng ‘guilty’.
Nang ipatawag ang sangkot sa pagpapalit ng boto, hindi ito umamin sa CHR subalit ang isang opisyal na si Commander Tabuada ng PMA mismo ay pinagtibay sa CHR ang isinumiteng affidavit na nagtapat sa kanya si 1Cl Lagura (voting member ng Honor Committee) na na-pressure siya kaya pinalitan ang boto.
Sinegundahan pa ito ng pagtestigo ni Cdt. 2Cl Jocson na umamin sa kaniya si Lagura sa ginawang pagpapalit ng boto.
Hindi rin nakasaad sa Minutes na ipinatawag sa Chamber ang voting members at hindi rin ipinatupad ang ‘secret balloting’.