Pinahabang operating hours ng MRT sa gabi, ipinatupad
MANILA, Philippines - Sinimulan ng ipatupad kahapon ng Metro Rail Transit (MRT-3) ang pagpapalawig ng operating hours nito sa gabi.
Nabatid na epektibo na nitong Lunes, Marso 10, ang mas mahabang operating hours ng MRT-3 hanggang alas-10:30 ng gabi sa North Avenue Station habang alas-11:00 naman ng gabi mula sa Taft Avenue Station.
Magtatagal ang naturang operating hours hanggang sa Marso 21.
Nauna rito, nagpatupad na ng extended operating hours ang MRT-3 sa umaga, na sinimulan noong Pebrero 24 at nagtagal hanggang Marso 7, kung saan ang mga tren ay nagsisimula nang bumiyahe ng alas-4:30 ng madaling araw, sa halip na alas-5:30 ng madaling araw.
Ayon sa Department of Transportation and Communications (DOTC), ito’y bahagi ng eksperimento ng pamunuan ng MRT-3 para maging kumportable ang biyahe ng mga pasahero nito at hindi sila magsiksikan sa mga tren at upang makatulong na rin na maibsan ang trapik sa Kamaynilaan kasabay ng pag-arangkada ng konstruksyon ng mahigit 15 infrastructure projects.
Ipatutupad ang halos isang-buwang test run upang malaman ng MRT-3 kung posible nilang ipagpatuloy ang mas mahabang oras ng operasyon.
Sinabi ng DOTC na pagkatapos ng isang buwang test run ay magsusumite ng rekomendasyon sa kanila ang MRT-3 hinggil dito.
- Latest