MANILA, Philippines – Walang nakitang malalang sakit ang Philippine National Police sa kalusugan ng itinuturong nasa likod ng bilyung-bilyong pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Dinala ngayong Miyerkules ng umaga si Napoles sa PNP General Hospital sa loob ng Camp Crame sa Quezon City mula sa kanyang kulungan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City, Laguna upang sumailalim sa ilang pagsusuri dahil sa hinihinalang may ovarian tumor ang negosyante.
"Hindi alarming at this point of time. Walang problema," pahayag ni Chief Superintendent Alejandro Advincula ng PNP Health Service.
Kaugnay na balita: Napoles dinala sa Camp Crame
Dagdag ni Advincula ay hindi rin kailangang i-confine ang kontrobersyal na negosyante.
"Hindi po sya iko-confine. As a matter of fact, ibabalik na sya sa kanyan lugar sa (Region) 4-A (detention facility)."
Natagalan pa bago nasuri si Napoles dahil sa paghihintay sa kanyang sariling doktor at mga abogado.
"More than two hours tumagal dahil inintay pa ang attending physician at attorney nya," banggit ni Advincula.
Bukod sa blood tests at transvaginal ultrasound, sumailalim din si Napoles sa papsmear examination.
Kaugnay na balita: Hospital arrest hiling ni Napoles
Aniya ilalabas ang resulta ngayong araw din subalit hindi nila ito maaaring ihayag dahil sa patient-doctor confidentiality.
“The results this afternoon makukuha pero ‘di obligadong mag bigay as of this time because of the patient-doctor confidentiality clause...Bahala na po si Mrs. Napoles na magbigay ng details."
Naging normal din naman ang resulta ng isinagawang electrocardiograph matapos uminda ng pananakit ng dibdib si Napoles.
Kaugnay na balita: PNP gumagastos ng P5K kada araw kay Napoles
Matapos ang mga pagsusuring ginawa sa kanya ay kaagad siyang inihatid sa kanyang kulungan sa Laguna.
Nauna nang hiniling ng kampo ni Napoles na magpa-hospital arrest dahil sa umano’y hinihinalang ovarian tumor, ngunit hindi ito pinayagan ng korte.