MANILA, Philippines - Dapat umanong maging maingat ang Supreme Court sa napakaraming alibi ng Department of Budget and Management hinggil sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program o DAP.
Ito ang paalala ni United Nationalist Alliance (UNA) Secretary General Toby Tiangco na nagsabi pa na tila umano maraming sikreto ang DBM sa mga release nito sa pamamagitan ng DAP.
Sinasabi pa ni Tiangco na ang program ay ginagamit na dahilan para pagtakpan ang P50 milyong suhol sa mga senador at 10 milyon na ibinigay sa mga kongresista para sa impeachment ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
“Dapat mabahala ang SC sa sobrang dami ng alibi at palusot ng DBM at Malacañang tungkol sa DAP. Tuwing mabubuking sila, aamin sila at gagawa ng mga dahilan. Lumilitaw na may maraming mga bagay na hindi pa natin nalalaman,†babala pa niya.
Sinabi pa ni Tiangco na inimbento ang DAP para pabilisin ang adyendang pulitikal ng administrasyon at makontrol nila ang mga kapantay na sangay ng pamahalaan.
Idiniin pa ni Tiangco na, batay sa mga report at sa pagtatapat na rin nito, ginamit ng DBM ang DAP noong bago, sa panahon at pagkatapos ng Corona impeachment trial sa pagitan ng 20111 at 2012.
“Na-impeached si (Justice Renato) Corona noong Disyembre 12, 2011 na inindorso ng 188 kongresista. Batay sa timeline, nilikha ang DAP noong Oktubre 2011 at ang pondong hiningi ng mga mambabatas ay nakahanda na noong Nobyembre 2011 o sa panahong niluluto nila ang impeachment ni Corona. Nakapagtataka lang na iilan lamang ang nakakaalam na may DAP na pala noon,†sabi pa niya.