MANILA, Philippines - Nagkasundo ang mga chairman ng Committee on Trade and Commerce sa dalawang kapulungan ng Kongreso na pag-isahin ang legislative agenda ng kani-kanilang komite para mapadali ang pagpasa ng mga importanteng panukala na makatutulong sa ekonomiya.
Sa isang pulong, nagkaisa sina Sen. Bam Aquino at Las Piñas Rep. Mark Villar na magkaroon ng iisang pagkilos upang mapabilis ang pagsasabatas ng panukalang lilikha ng trabaho, magpapaunlad sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), at magpapalakas sa malawakang kaunlaran na isinusulong ng pamahalaan.
Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng dalawang komite na nagkasundo ang dalawang tagapangulo na pagsabayin ang legislative agenda upang mapadali ang pagpasa ng mga importanteng panukala.
Kapag naisabatas agad ang mga importanteng panukala, iginiit ni Aquino, magiging mas madali na ang pagsusulong ng malawakang kaunlaran kung saan maipaaabot sa lahat ng Pilipino ang magandang ekonomiya ng bansa.
Binuo ng dalawang mambabatas ang alyansa dahil pareho nilang nakita ang pangangailangan para sa mga importanteng batas na makatutulong sa pagpapalakas ng ekonomiya at paglikha ng dagdag na trabaho.
Kasama sa mga panukala na nais tutukan ng dalawa ay ang Go Negosyo Bill, Fair Competition Bill, Coastwise Trade Bill and Exact Change Bill at Lemon Law.
Tututukan din ng dalawang komite ang amyenda sa Consumer Act at Price Act, kung saan ipinanukalang isama ang construction materials sa price control tuwing panahon ng kalamidad.
Parehong may background sina Aquino at Villar sa pagnenegosyo bago pumasok sa pulitika. Si Aquino ay isang kilalang social entrepreneur habang si Mark naman ay anak nina dating senador Manny Villar at kasalukuyang senador na si Cynthia, na parehong kilala sa larangan ng real estate at pagiging entrepreneur.