MANILA, Philippines - Babala sa mga pabayang magulang at guardians dahil maaari na silang masampahan ng kaso sakaling ang kanilang mga anak o inaalagaang bata o menor-de-edad ay palaging nasasangkot sa gulo.
Ito’y batay sa inilabas na city ordinance ng Mandaluyong City Council na iniakda ni councilor Charisse Abalos.
Nakasaad sa ordinansa na maaari nang masampahan ng kasong kriminal ang mga magulang o guardians at maaari pang makulong ng isang taon o kaya ay magmulta ng halagang P5,000, sakaling mapatunayan ng korte na nasangkot ang kanilang mga anak o alaga sa mga kasong possession of
deadly weapons, paninigarilyo at pag inom ng alak, paggamit ng droga, pagsusugal, at ang pinaiiral na alas-10:00 ng gabi na curfew hours.
Iginiit ni Abalos na ang mali at masamang pag-uugali ng kabataan ay dahil sa kakulangan sa atensiyon at tamang pagsubaybay ng magulang o guardians kaya’t dapat na papanagutin din sila sakali mang may magawang mali ang kanilang mga anak.
Base sa ordinansa, ang unang tao na dapat na mangalaga sa mga kabataan ay ang kani-kanilang magulang o guardians at turuan sila para hindi maging law offenders.
Sinabi pa ng konsehala na masakit para sa kanya na makita ang mga kabataan sa edad na 12 hanggang 17-anyos na paulit-ulit na lumalabag sa batas at nagagamit ng mga street gangs, drug pushers at iba pang criminal groups.