Napoles ‘di pinagpiyansa

MANILA, Philippines - Mananatili sa kalaboso ang sinasabing utak ng P10 bilyong pork barrel scam na si Janet Lim Napoles makaraang hindi siya pagbigyan sa kahi­lingang makapaglagak ng piyansa.

Dahil ito sa ginawang pagbasura ng Makati Regional Trial Court sa motion for reconsideration na inihain ni Napoles para makapagpiyansa sa kasong serious illegal detention.

Nauna nang iginiit ng kampo ni Napoles na dapat siyang payagan na makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya dahil kahit pa ang kasong kinakaharap niya ay isang non-bailable offense, mahina naman ang ebidensya laban sa kanya.

Sa kautusan na ipinalabas ni Makati RTC Branch 150 Judge Elmo Alameda, nakasaad na ibinasura ang mosyon dahil sa kawalan ng merito.

Nag-ugat ang kaso laban kay Napoles sa kanyang pagdetine kay Benhur Luy mula Dis­yembre 2012 hanggang Marso 2013.

Nakalaya lamang si Luy nang siya ay irescue ng NBI-Special Task Force.

Show comments