MANILA, Philippines – Muling pinalawig ang panahon upang makapagbayad ng blood money ang overseas Filipino worker na si Joselito Zapanta upang hindi mabitay sa Saudi Arabia, ayon kay Vice President Jejomar Binay.
Sinabi ni Binay ngayong Miyerkules na binigyan ng isang buwang palugit si Zapanta upang makumpleto ang halagang ibabayad sa pamilya ng kanyang napatay na Sudanese national Imam Ibrahim noong 2009.
Dagdag niya na malaki ang tsansang hindi na mabitay ang OFW.
"His chances are getting better. Mr. Zapanta might not be executed," pahayag ni Binay sa kanyang facebook account.
"We were given another one month extension," dagdag niya na siya ring presidential adviser on OFW concerns.
Humingi ng apat na milyong Saudi rials ang pamiya ni Ibrahim kapalit ng affidavit of forgiveness at upang hindi na bitayin si Zapanta.
Naunang itinakda ang pagbibigay ng blood money noong Nobyembre 12, 2012 ngunit iniusog ito sa Marso 12, 2013 bago pinalawig sa Nobyembre 3, 2013.
Nagbigay na ng tulong si Pangulong Benigno Aquino III ngunit hindi pa rin ito naging sapat upang matubos ang buhay ni Zapanta.
Muling nanawagan si Binay sa publiko na tulungan si Zapanta na makumpleto ang blood money. Bukod dito ay nakikipag-usap ang gobyerno sa pamilya ni Ibrahim na bawasan pa ang halaga ng blood money.
"First of all, the victim's wife has not returned to Saudi yet. She's still in Sudan. Second, we are still in talks with (Saudi) officials to help us save Mr. Zapanta's life."