MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong perjury sa Department of Justice ang sinasabing notoryus na big time rice smuggler na si David Bangayan a.k.a. David Tan.
Isinampa ang kaso ng Senate Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Sen. Cynthia Villar.
Ilang testigo ang nagkumpirma sa hearing sa Senado na si Davidson Bangayan at David Tan ay iisang tao lamang bagamat at ilang beses niya itong itinanggi sa pagdinig kaya naharap siya sa kasong perjury. Maging si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay humarap sa Senado upang patunayan na iisang tao lamang sina Davidson Bangayan at David Tan
Bukod sa kasong perjury, ipinalalagay na rin ng Senado sa watchlist si Bangayan at ipinakakansela ang pasaporte nito para hindi makalabas ng bansa. Nauna ng inaresto sa Senado ng National Bureau of Investigation si Bangayan dahil sa Anti-Electricity Pilferage Act o pagnanakaw ng kuryente pero nakapag-piyansa ito.