MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ng grupong Gabriela ang ulat na gagawin nang pribado ang Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila.
Sinabi ni Gabriela partylist Rep. Emmie de Jesus, lubhang nakakabahala na baka i-convert lang ang Fabella hospital sa isang beauty enhancement facility para sa mga dayuhang turista.
Paliwanag ng kongresista, responsibilidad ng gobyerno na ayusin at paunlarin ang mga pampublikong ospital para makapagbigay ng magandang serbisyo sa mga tao lalo na sa mahihirap at hindi pagkakitaan at gamitin sa mayayamang kliyente.
Pinaalalahanan din ni de Jesus na ang intensyon ng public-private partnership projects ay para mapagsilbihan ang interes ng nakakaraming Pilipino at hindi para garantiyahan ang malaking kita ng mga pribadong kumpanya sa pag-take over ng mga ospital.
Ang Fabella hospital ay binansagang baby factory ng Pilipinas dahil sa halos 100 ina ang nanganganak kada araw at kayang tumanggap ng hanggang 700 pasyente.
Subalit sa planong bagong gusali para sa ospital sa compound ng Department of Health (DOH) aabot lang sa 400 pasyente ang maaaring i-accomodate.