MANILA, Philippines - Maaari pa ring makapagpabakuna nang libre kahit ang mga batang lagpas 3 taong gulang bagamat inilaan para sa mga batang edad anim na buwan hanggang tatlong taon ang measles vaccine.
Sinabi ni Assistant Health Secretary Eric Tayag na pwedeng magbakasakali ang mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak na lagpas tatlong taong gulang para mapabakunahan laban sa tigdas sa mga health center.
Gayunman, nilinaw ni Tayag na bibigyang prayoridad muna ang mga batang 6 months hanggang 3 years old, at kung marami o sobra ang supply ng gamot sa health center na pinuntahan, ay mababakunahan na rin ang mga lagpas na sa itinakda nilang edad.
Sinimulan na ng DOH ang Goodbye Tigdas program kung saan maaaring dalhin sa mga health center ang mga batang di pa nabakunahan ng anti-measles.
Kaisa sa nasabing programa ang mga health center sa NCR, Calabarzon, Bulacan at Pampanga na mga lugar kng saan kumalat ang tigdas.