MANILA, Philippines – Maaring masibak sa puwesto si Pangulong Benigno Aquino III dahil sa kanyang pakikipagpulong sa mga senador na nagsilbing hukom habang nililitis ang impeachment trial ni noo’y Supreme Court Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Sinabi ng dating abogado ni Corona na si Judd Roy na nilabag ni Aquino ang probisiyon ng Revised Penal Code sa direct bribery, indirect bribery at corruption of public officials.
"If you can impeach some guy for not filling in his SALN completely, you can surely impeach someone for trying to distort the outcome of the case, improperly," pahayag ni Roy sa isang panayam sa telebisyon.
Kaugnay na balita: Sen. Miriam: Walang mali sa pulong ni Noy at Revilla
"You can go out and talk about it publicly. You want to say something to the court? Enter your appearance, testify if you want. But never, never talk to the judges, even if he's your partymate," dagdag niya.
Sinabi pa ni Roy na maaari lamang makipagpulong si Aquino sa mga senator-judge sa isang Legislative Executive Development Advisory Council.
"This is an institutionalized process where they consult, they discuss, they try to align their priorities... and work they out their 'deals' so to speak," komento niya.
Kaugnay na balita: Pulong nina PNoy at Revilla, hindi dapat nangyari - legal expert
Nag-ugat ang isyu matapos makipagpulong si Aquino sa ilang senador kabilang si Revilla noong nililitis si Corona.
Hindi naman ito itinanggi ni Aquino ngunit pinabulaanang pinakiusapan niya si Revilla na ibotong matanggal sa puwesto si Corona.
Kaugnay na balita: PNoy umaming kinausap ang senators
Samantala, nauna nang inihayag ng Palasyo na handang harapin ng Pangulo ang anumang ikakaso sa kanya.