MANILA, Philippines - Ipaprayoridad ng bagong liderato ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang pagtugis kay Reynald Lim, ang kapatid ng kontrobersyal na si Janet Lim Napoles na itinurong utak ng P10 bilyong pork barrel scam.
Aminado ang bagong talagang si PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Benjamin Magalong na tila nawalan ng radar ang ahensiya laban kay Reynald Lim nitong mga nakalipas na buwan.
Pero sa pagkakataong ito, sinabi ni Magalong na tututukan ng kanilang mga operatiba ang malawakang manhunt laban kay Reynald Lim at sa iba pang high profile targets, gayundin ang mga wanted na criminal elements at organized crime groups.
Una nang bumuo ang PNP-CIDG ng tracking team upang tugisin si Reynald Lim na isinasabit din sa pork barrel scam pero magpahanggang sa nga-yon ay wala pa ring positibong resulta.
Sa kasalukuyan, nananatili namang bantay sarado sa PNP-Special Action Force (PNP-SAF) sa Fort Sto. Domingo, Sta Rosa , Laguna si Napoles.
Nabatid na nahaharap rin si Lim sa kasong serious illegal detention at may patong sa ulong P 5-M.
Samantalang kabilang naman sa tinutugis na big 5 ay sina dating Dinagat Islands Rep. Ruben Ecleo; magkapatid na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at dati ring Coron Mayor Mario Reyes, negos-yanteng si Delfin Lee at maging si ret. Army Major General Jovito Palparan .
Sa kasalukuyan, ay hindi pa rin naaresto ng mga awtoridad ang big 5 at wala pa ring lead sa kinaroroonan ng mga ito.