MANILA, Philippines - Nagbabantang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang isang low pressure area bukas.
Ayon kay Joey Figuracion, weather forecaster ng PAGASA, ang naturang LPA ay huling namataan sa layong 1,500 kilometro na nasa ibabaw ng Dagat Pasipiko.
Anya, sakaling pumasok sa bansa ang LPA, tutumbukin nito ang silangang bahagi ng Visayas o Mindanao o inaasahang nasa layong 900 kilometro silangan ng Mindanao.
Bagamat wala pang tsansang maging ganap na bagyo ang LPA, sinabi ni Figuracion na kung sakaling maging bagyo ang naturang sama ng panahon, ito ang kauna-unahang bagyo na papasok sa bansa na tatawaging Agaton.
Maaliwalas naman ang panahon sa Luzon partikular na sa Metro Manila bagamat apektado pa rin ito ng hanging amihan na nagdadala ng malamig na panahon sa nabanggit na lugar at makulimlim na kalangitan.