CHED bumuo na ng TWG sa Sept. opening ng klase

MANILA, Philippines - Bumuo na ang Commission on Higher Education (CHED) ng technical working group (TWG) na mag-aaral kung posibleng ilipat ang panahon ng pagbubukas ng klase para sa mga kolehiyo at unibersidad, mula Hunyo patungong Setyembre.

Ayon kay Communications Sec. Herminio Coloma, naiintindihan nila ang desisyon ng apat sa pinakamala­king pamantasan sa bansa na ilipat ang pagsisimula ng kani-kanilang mga klase alinsunod sa kanilang pagi­ging autonomous at naaayon din sa mga konsepto ng ASEAN integration at ASEAN mobility na magsisimula sa taong 2015.

Gayunpaman, kailangan pa ring magsagawa ng mas malawakang konsultasyon sa lahat ng sektor at sa lahat na may taya sa usaping ito.

Aniya, kailangang isaalang-alang na kapag binago ang kalendaryo ng lahat ng kolehiyo at pamantasan, maaapektuhan nito ang kalendaryo para sa mataas at mababang paaralan.

Sa panig naman ni Education Sec. Bro. Armin Luistro, sa kasalukuyan ay wala pang nakikitang agarang dahilan sa pagpapalit ng kalendaryo ng DepEd dahil  hindi umano pare-pareho ang pagbubukas ng paaralan sa ASEAN. May mga bansang nagsisimula ng Enero, ang iba naman ay Mayo.

Wala rin daw masyadong mobilidad ang mga batang mag-aaral sa mababa at mataas na paaralan, ‘di tulad ng mga mag-aaral sa kolehiyo at unibersidad.

Sinabi rin ni Luistro na ang pagpapalit ng kalendaryo ay hindi tuwirang tutugon sa mga problema ng pagbagyo at pagbaha dahil sa pagbabagong klima o climate change.

Maaari kasing magkaroon ng negatibong epekto sa pag-aaral sa panahon ng pinakamainit na klima sa mga buwan ng Abril at Mayo.

Sinabi naman ng Malacañang na ipinauubaya ng pamahalaan sa Kongreso, bilang kapantay at independiyenteng sangay, ang pangunguna sa pagkilos sa paglipat sa schedule ng pagbubukas ng klase dahil ito ay napapaloob sa batas.

 

Show comments