MANILA, Philippines - Malaki ang paniniwala ni Tourism Secretary Ramon Jimenez na hindi makakaapekto sa turisÂmo sa bansa ang naganap na pamamaril sa NAIA Terminal 3 noong Biyernes.
Ayon kay Jimenez, maituturing namang isolated incident ang nangyari sa NAIA Terminal 3 bagama’t sa isang pampublikong lugar ginawa ang pamamaslang.
Posible umanong mayroon nang matagal na alitan ang biktima at suspect subalit nabigyan lamang ng pagkakataon ang huli na maisakatuparan ang pagpatay.
Sinabi ni Jimenez na wala namang dapat na ikabahala ang mga turista na nais na dumalaw o mamasyal sa Pilipinas.
Aniya, puspusan naman ang binibigay na seguridad ng kapulisan sa NAIA sa mga dumarating at umaalis ng bansa.
Magugunitang isa ang turismo sa mga pangunahing nag-aambag ng kita sa kaban ng bayan.