Blackout sa Luzon nakaamba sa 2015
MANILA, Philippines - Posibleng maulit ang malawakang brownout at blackout noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino sa panahon ng panunungkulan ng kanyang anak na si Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Senator Ralph Recto sa pagdinig ng Senate Committee on Energy at Trade Commerce and Entrepreneurship, nakaamba ang malawakang brownout at blackout sa Luzon sa 2015 dahil sa kakulangan ng mga power plants.
Inamin naman ni Energy Undersecretary Raul Aguilos na tama ang obserbasyon ni Recto na posibleng magkaroon ng kakulangan sa suplay ng kuryente sa 2015.
Ipinunto ni Recto na kung lumalago ang ekonomiya ng 10 porsiyento, dapat ding itaas ang suplay ng kurÂyente ng kalahati o limang porsiyento.
Sinagot naman ni Aguilos na dapat ay anim na porsiyento ang “elasticity rate.
Sinabi pa ni Recto na dahil sa 10 porsiyentong paglago sa ekonomiya, dapat umanong magtayo rin ng karagdagang power plants ng nasa anim na porsiyento pero ayon kay Aguilos, ang available capacity ngayon ay hindi pa rin madagdagan.
Mismong si Aguilos ang nagsabi na magkakaroon ng critical period pagsapit ng 2015.
Hindi naman maipaliwanag ni Aguilos kung ano ang nagiging problema at hindi makapagtayo ng mga power plants.
Samantala, iginiit din ni Recto na dapat itigil ang pagtataas ng paniningil ng Meralco ng generation cost charge na P4.16 per Kwh hanggat hindi pa natatapos ang pagdinig ng DOE, Energy Regulatory Commission at Philippine Electicity Management Corporation kung may naganap na sabwatan sa pagitan ng mga power plant producers.
Kinuwestiyon ni Recto sa imbestigasyon kahapon kung bakit inaprubahan ng ERC ang pagtataas ng singil sa kabila na katapusan pa ng Disyembre ang itinakdang deadline ng imbestigasyon ng DOE, ERC at PEMC.
Hindi aniya makatarungan para sa mga consumers kung magpapatuloy ang paniningil ng Meralco kung sakaling lumabas na may sabwatan nga upang maitaas ang paniningil ng kuryente sa consumers.
- Latest