MANILA, Philippines - Idedepensa ng mga abugado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kung bakit hindi dapat na ipawalang bisa ng Court of Tax Appeals (CTA) ang ipinalabas na warrant of distraint and levy laban sa mga bank account ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao.
Ayon kay CTA First Division Clerk of Court Margarettte Guzman, nakatakdang magprisinta ng kanilang counter affidavit ang kampo ng BIR sa darating na Disyembre 5.
Nang dahil sa warrant of distraint and levy o WDL hindi maaring magalaw ang pera ni Pacquiao sa mga bangko na sakop ng nasabing direktiba.
Paliwanag ni Atty. Claro Ortiz, abogado ng BIR, kung tutuusin ay mas mabigat ang epekto ng WDL kaysa sa freeze order na ipinapalabas ng korte dahil ang pakay ng WDL ay kumpiskahin ang deposito sa bank account ni Pacquiao para umano mapunuan ang tax liability nito sa gobyerno.
Ayon pa kay Guzman, kokontrahin ng BIR sa pagdinig sa Dis. 5 ang documentary evidence na isinumite ng kampo ni Pacquiao.
Tumanggi naman si Guzman na ilahad kung ano ang mga ebidensya na isinumite ng kampo ni Pacman noong nakalipas na buwan dahil iyon daw ay pag-aaralan pa ng mga mahistrado.
Ang kaso sa CTA ay nag-ugat makaraang maghain ng petition for review si Pacman sa nabanggit na hukuman kung saan hiniling nito na kanselahin ng korte ang assessment ng BIR na sila umanong mag-asawa ay hindi nakapagbayad ng 2.2 bilyong piso na halaga ng buwis para sa taong 2008 at 2009.
Nanindigan naman si Pacman na nagbayad siya ng tamang buwis mula sa kanyang mga laban kay Ricky Hatton, Oscar de la Hoya, David Diaz at Miguel Cotto sa Estados Unidos, at katunayan, may inisyu pa umanong dokumento ang kanyang promoter na Top Rank na isinumite sa BIR para patunayan na naikaltas ng US Internal Revenue Service ang buwis mula sa kinita ni Pacman.