Kongresistang manonood ng laban ni Pacman nag-atrasan

MANILA, Philippines - Nagsipag-atrasan na ang mga kongresistang ma­no­nood ng laban ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao kay Mexican Brandon Rios sa Macau ngayong darating na Linggo.

Mula sa dating 70 na manonood sana ng laban ni Pacquiao ay 12 na lamang ang nagpaalam kay House Speaker Feliciano Belmonte.

Ito ay dahil sa mas pinili na lamang umano ng ka­ra­­mihan ng mga kongresista na manood ng laban sa kani-kanilang mga bahay at i-donate na lamang sa mga biktima ng nasalanta ng bagyong Yolanda ang gagastusin nila sa panonood ng laban sa Cotai Arena sa Venetian Macau Hotel.

Maging si Belmonte ay nakatanggap din ng limang tickets mula kay Pacquiao subalit hindi na rin ito magtutungo sa Macau at mas pinili na lamang tumulong sa relief and rehabilitation para sa mga biktima ng super typhoon.

Ayon naman kay Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez, bagamat hindi ganun kagastos ang Macau fight ni Pacquiao tulad ng mga dating laban nito sa Estados Unidos ay mas marami pa rin silang kongresista na hindi na manonood ng live.

Sinabi naman ni Davao City Rep. Isidro Ungab, na nag-alok si Pacquiao sa kanyang mga kasamahan ng libreng tickets sa kanyang laban at ibibigay ito sa sanda­ling dumating sila sa Macau.

Show comments