Team Albay, aayuda sa Leyte

MANILA, Philippines - Tumulak na ang disaster response Team Albay sa mga lalawigang pinadapa at sinalanta ng super typhoon ‘Yolanda’, upang tumulong sa isinasagawang search and rescue mission partikular na sa Tacloban Leyte.

Ito ang pang-11 at pinakamalaking misyon ng grupo na binubuo ng 179 katao. Dala nito ang apat na rubber boats at ang lorry na taglay at kilala nang water filtration machine ng team.

Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, mananatili ang grupo sa Kabisayaan ng dalawang buong linggo at handa itong italaga ng mga kinauukulan saan mang lugar ito higit na kailangan.

Pangalawang misyon na ito ng Team Albay-OCDV sa Visayas ngayong taon. Kababalik pa lamang ng grupo mula sa Bohol na sinalanta naman ng 7.2 magnitude na lindol nitong nakaraang buwan. Nasa Davao din ang Team Albay noong nakaraang Disyembre matapos salantain ng Super Typhoon Pablo.

Ang humanitarian missions ng Team Albay, ayon kay Salceda ay bilang bayad din sa malaking utang na loob ng mga Albayano mula sa ibang mga local government units at institusyon na sumaklolo sa kanila nang sila naman ang sinalanta ng masamang panahon.

May mataas na kasanayan at mga bihasa sa disaster response ang mga kasapi ng Team Albay na may-ari din ng napakahalagang water filtration machine na nakagagawa ng 32,000 litrong malinis at ligtas na inuming tubig bawat oras mula sa tubig baha. Pina­ngangasiwaan ito ng Water and Sanitation (WATSAN) unit ng Team.

Inaasahang malaking tulong ang grupo sa mga bayang pinadapa ni Yolanda.

 

Show comments