Insurance company inireklamo

MANILA, Philippines - Inireklamo sa Insurance Commission (IC) ng isang claimant/complainant ang isang insurance company na ayaw umanong tumupad sa pagbabayad ng seguro kaugnay sa obligasyon sa ninakaw na sasakyan.

Sa complaint affidavit na inihain ng isang Estrella Barbasa, lumabag umano ang Prudential Gurantee and Assurance, Inc. sa isinasaad ng kasunduan sa obligasyong bayaran ang naka-insured na Hyundai Accent 2010 model na nakarnap noong Sept. 20, 2010.

Kumpleto umano ang isinumite nilang rekisitos na kailangan sa pag-claim ng comprehensive insurance kabilang pa ang pagbibigay din ng kopya hinggil sa insidente ng carnapping, kung saan nasampahan din umano niya ng kaso ang mga suspect sa carnapping.

Saklaw umano sa insurance policy ang pagbibigay ng seguro sa carnapping at theft  subalit kahit may mahigit isang taon ng naglabas ng warrant of arrest ang Mandaluyong Regional Trial Court laban sa mga suspect ng carnapping noong Enero 25, 2012, na indikasyong may probable cause, bigo pa rin umano ang insurance firm na ibigay ang kanilang claim, dahil umano sa isyu ng teknikalidad sa kaso.

Nagkaroon na rin umano ng mediation sa IC ang magkabilang partido, ayon sa complainant subalit bigo pa rin silang makakuha ng claim.

 

Show comments