MANILA, Philippines - Masyado umanong naging abala ang gobyerno sa pagtatanggol sa Disbursement Acceleration Program (DAP) at presidential pork barrel kayat nakalimutan nito ang problema ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Saudi Arabia.
Ayon kay Gabriela partylist Rep. Luzviminda Ilagan, masyado nang huli ang hakbang ng pamahalaan para sulatan ang Saudi government sa sinimulan nitong crackdown para sa migrant workers.
Sinabi ni Ilagan, naglaan lamang ng kakarampot na P50M repatriation fund sa 2014 budget at P2B re-integration fund sa mga mapapauwing OFWs.
Tanong pa ng mambabatas paano kung hindi makakauwi ang mga Pinoy at makukulong na lamang sa Saudi Arabia ay hahayaan na lamang ito ng pamahalaan?.
Matatandaan na noong Abril pa nagsimulang magkampo ang mga OFWs sa labas ng embahada ng Pilipinas sa Jeddah at Riyadh para mapauwi sa Pilipinas dala na rin sa bayolenteng crackdowns at dispersals ng Saudi government sa mga undocumented migrants.
Sa pagtaya ng Migrante International, nasa 1,700 ang undocumented migrant workers na stranded sa Jeddah habang libo naman ang nakakalat sa Riyadh, Al Khobar at Dammam.