MANILA, Philippines - Ipakukulong umano ni Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes Jr., ang mga lokal na opisyal na mapatutunayang nag-e-endorso ng mga kandidato sa barangay elections sa October 28, 2013.
Ang babala ay ginawa ni Brillantes kung saan sinabi nito na dapat na maging non-partisan ang halalan sa barangay.
Aniya, ang pag-e-endorso ng isang lokal na opisyal ng mga barangay candidates ay isang election offense. Hindi rin dapat na makita ang mga lokal na opisyal sa mga campaign sorties at rallies ng mga kandidato.
Hinikayat rin ng poll chief ang publiko na maging vigilante sa pagrereport ng mga kandidato na lumalabag sa election rules.
Sa ilalim ng Section 38 ng Omnibus Election Code, nakasaad na ang paglabag sa election offense ay may katapat na parusang pagkabilanggo ng mula 1 hanggang 6 taon, pagkaalis ng karapatang makaboto, at diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang public office.
Sa datos ng Comelec, aabot sa 93,930 indibidwal ang tatakbo sa 42,028 posisyon para sa barangay chairman habang 714,261 para sa 294,196 pagka-barangay kagawad.