MANILA, Philippines - Inilagay na ng Bureau of Immigration (BI) sa kanilang Lookout Bulletin Order (LBO) sina dating Pangulong Gloria Arroyo, dating executive Secretary Eduardo Ermita, Janet Napoles at 21 iba pa na kinasuhan sa Ombudsman kaugnay sa P900 milyong Malampaya Fund scam.
Inalerto na ng BI ang lahat ng mga immigration officer sa lahat ng pantalan at paliparan sa bansa para siguruhing may kaukulang travel authority ang lahat ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na magtatangkang lumabas ng bansa.
Kasalukuyan pang naka-hospital arrest si Arroyo dahil sa kasong plunder habang nakadetine rin si Napoles dahil naman sa kasong serious illegal detention.
Nauna nang isinampa ng Department of Justice (DOJ) ang kasong plunder laban kina Arroyo, Napoles at 22 iba pa kaugnay ng maanomalyang paggamit ng Malampaya Fund.
Kabilang din sa mga nasa LBO sina Nasser C. Pangandaman; Narciso B. Nieto; Rolando G. Andaya Jr.; Mario L. Relampagos; Teresita L. Panlilio; Angelita V. Cacananta; Nilda P. Baui; Dominador V. Sison; Jr., Ronald J. Venancio; Rene E. Maglanque; Ruby C. Tuason; Evelyn De Leon; Jesus Castillo; Lilian A. Espanol; Genevieve G. Uy; Ronald John Lim aka John Lim; Eulogio D. Rodriguez; Lorna Ramirez; Ronald Francisco Lim; Simplicio M. Gumafelix; at John Raymund S. de Asis.