MANILA, Philippines - Hihingi ng P6 kada litrong diskwento sa ikinakargang petrolyo sa kanilang mga sasakyan ang militanteng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) kasabay ng nakaambang panibagong pagtataas sa presyo ng langis sa bansa.
Ito ay kasunod ng ulat na tinatayang nasa P.50 kada litro ang maaaring itaas ng mga produktong petrolyo ngayong daraÂting na linggo dahil umano sa pagtaas muli sa presÂyo sa internasyunal na merkado.
Ayon kay Piston national president George San Mateo, walang basehan ang panibagong nakaambang oil price hike dahil sa humupa na umano ang tension sa Syria.
Nakatakda namang magsagawa ng kilos-protesta ang Piston sa darating na Martes sa harap ng tanggapan ng mga kumpanya ng langis upang ipanawagan sa pamahalaang Aquino ang pagbibigay sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan ng P6 kada litrong diskuwento sa petrolyo.
Sinabi ni San Mateo na kaya namang sagutin ito ng pamahalaan dahil sa bilyon-bilyong pondo buhat sa Malampaya na hawak ng Malacañang na nararapat gastusin sa mga programa na may kinalaman sa enerhiya kabilang ang sektor ng transportasÂyon.