MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacañang na hindi sinibak sa halip ay nagretiro sa serbisyo si Land Transportation Office (LTO) chief Virginia Torres.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nakipag-usap si Torres kay Pangulong Benigno Aquino lll upang ipaabot ang kanyang pagreretiro sa Oct. 30 na pinayagan naman ng chief executive.
Tiniyak naman ni Asec. Torres na nakahanda siyang harapin ang imbestigasyon at tanggapin anuman ang magiging hatol sa kanyang kaso matapos makunan ng video sa isang slot machine arcade.
Una ng lumabas ang report na hindi na umano kumbinsido ang presidente sa mga paliwanag ni Torres hinggil sa iskandalong kinasangkutan nito.
Sinasabing mismong ang punong ehekutibo umano ang nagpayo kay Torres na maghain na lamang ng resignation letter at tukuyin ang mga banta sa kanyang buhay, bilang rason sa pagbibitiw.
Maalala na lumutang din kamakailan ang report na itiniwalag na rin ng Iglesia ni Cristo (INC) si Torres dahil sa isyu ng pagsusugal umano nito sa casino.
Kaugnay nito, malamig naman ang naging pagtanggap ng militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa pagtanggal kay Torres sa LTO.