MANILA, Philippines - Nagbalik-eskwela na ang mga mag-aaral sa mahigit 100 paaralan sa Zamboanga City na may tatlong linggo nang suspendido ang klase matapos maapektuhan ng labanan sa pagitan ng Moro National Liberation Front (MNLF) at tropa ng pamahalaan.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, balik-klase na ang 149 schools sa lungsod, kabilang na ang mga public at private schools, na hindi direktang apektado ng sagupaan.
Gayunman, ang mga paaralan na nasa ‘areas of concern’, kabilang na ang Labuan, Limpapa, Ayala, Cawit, Baluno, Pasonanca, Lamisahan, Tetuan at Zambowood, ay nanatiling walang pasok batay na rin sa rekomendasyon ng kanilang mga barangay captain.
Pinaalalahanan naman ng DepEd ang mga guro na huwag munang mag-pokus sa pagsasagawa ng regular lesson kundi sa pag-assess sa kondisyon ng mga mag-aaral, sa pamamagitan ng debriefing at psychological intervention.
Dapat rin umanong magsagawa ng plano ang mga principal kung paano mababawi ang mga araw na walang pasok, sa pamamagitan ng pagdaraos ng make-up classes.