MANILA, Philippines - Upang masiguro ang kapakanan at kaligtasan ng mga senior citizen, isinusulong sa Kamara ang pagtatayo ng Home for the Aged sa bawat siyudad at munisipalidad sa bansa.
Sa inihaing House Bill 2379 na inihain ni Parañaque 1st District Rep. Eric Olivarez, dapat tiyakin ng gobyerno na mabigyan ng disenteng pamumuhay ang mga senior citizens.
Ang mga matatanda ay lantad na sa mga sakit at mas nahihirapan na rin tustusan ang kanilang sarili, physically at financially.
Layunin umano ng Home for the Aged Act of 2013 na magbigay ng physical, social at emotional na pangangailangan sa mga senior citizen at maayos na kapaligiran sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang home for the aged sa bawat siyudad at munisipalidad.
Sa ilalim ng panukala, bawat alkalde ay magtatalaga mula sa miyembro ng Sanggunian o Sanggunians, ng administration committee para dito subalit base pa rin ito sa final approval ng DSWD.
Ang DSWD, DILG at lahat ng Local Government Unit ang magsasagawa ng information campaign para malaman ng publiko na mayroong home for the aged,kung saan ito matatagpuan at ano ang mga kinakailangan kwalipikasyon ng mga aplikante.
Ang DSWD, DILG at lahat ng LGU ang bahala naman bumalangkas ng implementing rules and regulations para rito.